Inalis ng American video sharing at social media platform na YouTube ang official channel ni Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ. Ang dahilan, may nilabag umano ito sa kanilang community guidelines.

Inanunsyo ito ng YouTube sa kanilang verified account (@TeamYouTube) sa Twitter nitong Huwebes, bilang tugon sa pagsita ng isang netizen kung bakit pinapayagan pa rin ang YT channel ni Quiboloy gayung nasa wanted list umano ito ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa alegasyon ng sex trafficking.

“Upon review, we've determined that the channel is in violation of Community Guidelines & (and) has been terminated,” saad sa tweet ng @TeamYouTube, na wala nang ibang paliwanag.

Bago alisin, mayroong mahigit 47,000 subscribers sa Youtube channel ni Quiboloy.

Mayroon pang dalawang YouTube na may pangalang "Apollo Quiboloy" pero hindi tiyak kung may kaugnayan ito sa naturang religious leader.

Mayroon lamang 176 at 141 subscribers ang mga YouTube channel na True Gospel of Pastor Apollo C. Quiboloy at ang Pastor Apollo C. Quiboloy.

November 2021 nang sampahan ng sex-trafficking charges si Quiboloy at ilang kasamahan niya sa KJC church na inihain ng US prosecutors.

Noong December 2022, hinarang ng US Department of Treasury’s Office of Foreign Assets Control (OFAC) na magkaroon ng access si Quiboloy sa kaniyang mga ari-arian sa US dahil sa alegasyon ng serious human rights abuse.

Sinubukan ng GMA News Online na makuhanan ng reaksyon ang abogado ni Quiboloy na si Atty. Ferdinand Topacio, na tumugon ng, "[N]o comment."

Una nang sinabi ni Quiboloy na pinapatawad na niya ang mga nag-aakusa sa kaniya. Noong February 2022, sinabi ni Quiboloy na inuusig siya dahil siya ang “Appointed Son.”  —FRJ, GMA Integrated News