Nakalabas na ng ospital ang mahigit 20 residente na naapektuhan ng ammonia leak mula sa isang cold storage facility sa Navotas City nitong Martes.
“Nakabalik na po sila sa kanilang mga tahanan,” sabi ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa panayam ng Unang Balita nitong Miyerkoles.
Gayunpaman, tiniyak ng alkalde ang kaligtasan ng mga naapektuhang residente.
“So kahapon hanggang today, babalik ‘yung ating mga doktor, mga health worker at nagbabahay-bahay po sila para siguraduhing maayos ang kalagayan at kalusugan ng ating mga kababayan,” dagdag ni Tiangco.
Kasabay nito, ipinasara na ng lokal na pamahalaan ng Navotas ang cold storage facility na pinagmulan ng pagtagas ng ammonia at ng sunog noong Lunes ng gabi.
"Sinara na po natin 'yung cold storage pong 'yun para siguraduhin ng Bureau of Fire [Protection] na tumupad sa sila sa mga safety protocols po," saad ni Tiangco.
Matapos ang insidente, isang 16-anyos na binatilyo ang namatay habang 24 iba pa ang dinala sa dalawang ospital matapos mahirapang huminga.
Ayon kay Tiangco, may comorbidity ang nasawing lalaki at nahihirapang huminga noon pang Lunes ng umaga. At nang suriin sa ospital, na-diagnose siya na may acute respiratory syndrome.
Dagdag ni Tiangco, posibleng nagpalala sa kalagayan ng biktima ang pagtagas ng ammonia.
Ayon sa alkalde, nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng cold storage facility sa mga awtoridad ng lokal na pamahalaan para tulungan ang mga biktima.
Tiniyak naman ni Tiangco na magiging mas strikto pa sila sa pagbibigay ng mga business permit para maiwasan ang mga katulad na insidente sa hinaharap. —VBL, GMA Integrated News