Mula sa 2.42 milyong walang trabaho noong nakaraang Marso, bumaba ito sa 2.26 milyon nitong nagdaang Abril, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa, na ang naturang bilang ng mga unemployed person ay nasa edad 15 pataas.
Ayon kay Mapa, ang 2.26 milyon na walang trabaho noong April 2023 ay mas mababa kumpara sa 2.76 milyon na naitala noong April 2022.
Sabi pa nito, ang naturang bilang ng mga walang trabaho ay katumbas ng 4.5% ng 50.31 milyong katao na nasa labor force.
Sa pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho, tumaas ang bilang ng mga may trabaho sa 48.06 milyon nitong nakaraang Abril, kumpara sa 45.63 milyon noong Abril 2022.
Katumbas ito ng employment rate na 95.5%, na mas mataas sa 94.3% employment rate noong April 2022.
Nangunguna ang services sector sa pagkakaloob ng trabaho na 61.1%, at sinundan ng agriculture sector na 21.9% , at industry sectors na 17%.
Samantala, ang nangungunang limang sub-sectors na may pinakamataas na bilang ng employed persons mula Abril 2022 hanggang Abril 2023 ay ang:
Wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles (914,000)
Accommodation and food service activities (379,000)
Administrative and support service activities (345,000)
Transportation and storage (321,000)
Other service activities (242,000)
"To ensure the continuation of this trend, the government affirms its commitment to the unimpeded implementation of economic liberalization reforms and other essential legislation," ayon sa inilabas na pahayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.
"These efforts will be complemented by comprehensive collaborations among government entities and society as a whole to enhance the employability and productivity of our workforce," dagdag niya.--FRJ, GMA Integrated News