Hindi malaman ng isang 57-anyos na ginang sa Mandaluyong City kung bakit siya napapayag ng mga taong kumausap sa kaniya sa kalye na kumuha ng mga gamit at pera sa kaniyang bahay.
Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera noong Mayo 31, ang biktima na kinakausap ng dalawang babae habang naglalakad.
Maya-maya pa, pinasakay na siya sa kotse ng mga suspek. At sa hindi raw malamang dahilan ng biktima, pumayag siyang dumaan sa kaniyang bahay para kumuha ng mga gamit at pera.
Nagtiwala raw ang biktima sa mga suspek dahil mayroon din naman daw gamit na iniwan sa kaniya ang mga ito.
Pero hindi na bumalik ang mga suspek tangay ang kaniyang mga gamit at pera na aabot sa P2.6 milyon ang halaga.
Kinalaunan, natuntun ng mga awtoridad ang sasakyan ng mga suspek sa Cavite. Nadakip ang isang lalaki pero itinanggi niya na nambudol sila.
Natukoy na rin umano ang pagkakakilanlan ng kasamahan nito na dati na ring nakulong sa kasong swindling o panloloko. --FRJ, GMA Integrated News