Pinagtulungang hulihin ng mga kalalakihan ang isang sawa na 12 talampakan ang haba at ilang taon nang nanggagambala sa kanilang barangay sa Malibay, Pasay City.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing halos maubos ang puwersa ng mga kalalakihan ng Barangay 165 para hulihin ang sawa na panay ang bisita sa kanilang lugar.
Nagtulong ang hindi bababa sa limang kalalakihan para hugutin ang sawa na sumiksik sa silong ng isang bahay.
Umabot ng dalawang oras ang paghila nila sa sawa, hanggang sa makabuwelo at tuluyan din nila itong nahuli.
Si Jun Manggong ang unang nakakita sa sawa pagkahupa ng baha dahil sa malakas na ulan Martes ng gabi.
Bigla umano itong tumalon sa gilid ng harap ng kanilang bahay, bago lumipat sa isa pang bahay.
Sinabi ng barangay na matagal na nilang gustong hulihin ang sawa.
Hindi naman nagtaka ang mga residente na may nabuhay na sawa sa kanilang barangay dahil napaiikutan ang kanilang lugar ng Estero de Tripa de Gallina, na maraming water lily.
Itu-turn over nila ito sa mga awtoridad. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News