Aabot sa 25 na pamilya ang nawalan ng tirahan, at isang residente ang nasugatan sa sunog na sumiklab nitong Huwebes ng gabi sa Malabon City.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes na sumiklab ang sunog sa mga kabahayan sa may Kaunlaran Street sa Barangay Muzon ng lungsod, pasado alas-diyes ng gabi.
Mabilis umanong kumalat ang apoy sa magkakadikit na mga bahay, at isang malakas na pagsabog ang narinig ng mga residente. Ilang saglit pa, lalong lumakas ang apoy, ayon sa ulat.
Nagtamo ng mga paso sa iba't ibang bahagi ng katawan ang isang residente.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), hindi bababa sa 15 bahay ang nasunog at 25 pamilya ang apektado, dagdag ng ulat.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang apoy sa isang bahay na may tatlong palapag.
Nahirapan sa operasyon ang BFP dahil sa bukod sa masikip na daanan papasok sa lugar na nasunugan, nagkaubusan umano ng tubig ang firetrucks.
May kalapit na fire hydrant pero hindi umano nagamit, kaya kumuha na lamang ng tubig galing sa katabing ilog.
Naapula ang sunog dakong 11:34 ng gabi, ayon sa ulat.
Inaalam pa ang kabuuhang halaga ng pinsala sa mga ari-arian. —LBG, GMA Integrated News