Nauwi sa pag-aresto ang ginawang pagtulong ng mga pulis sa isang babae na nahulog mula sa motorsiklo sa Las Pinas City nang may makitang baril at ilegal na droga sa kaniyang bag.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabing angkas ang babae sa isang motorsiklo na dadaan sana sa lugar na mayroong Oplan Sita ng mga pulis sa Padre Diego Cera Avenue sa Barangay Pulanglupa Uno.

Ayon sa Southern Police District, pinara ng mga pulis ang motorsiklo pero sa halip na tumigil ay biglang nagmaniobra at humarurot palayo na dahilan para mawalan ng balanse ang angkas niyang babae at mahulog.

 

 

Naiwan ang naturang babae na kinilalang si Maricel Pultura, habang tumakas naman ang rider na nakilala lang sa alyas na, "Lolong."

Tinulungan umano ng mga pulis si Pultura na tumayo pero tinangka raw nitong umalis kaagad. Kaya naghinala ang mga awtoridad at sinuri ang laman ng dala nitong sling bag at nakita ang kalibre .45 na baril, hinihinalang shabu, at cash na halos P31,000.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek, habang hinahanap naman ang nakatalas na rider.--FRJ, GMA Integrated News