Timbog ang isang lalaki matapos pumasok sa isang paaralan sa Maynila at makunan sa CCTV na ninanakaw ang cellphone at gadget ng isang estudyante. Ang suspek, napag-alamang nakapasok at nagnakaw na rin sa tatlo pang pribadong unibersidad ng lungsod.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood sa kuha ng CCTV na abala ang ilang mag-aaral sa kanilang klase sa physical education kaya iniwan muna nila ang kanilang mga gamit sa ibabaw ng mesa.

Ilang saglit pa, isang lalaki na nakaputing T-shirt at sling bag ang lumapit, tumingin-tingin sa paligid, bago pasimpleng sinipa ang isang cellphone palapit sa kaniya.

Agad niya itong pinulot at isinuksok sa sling bag.

Bumalik ang lalaki sa mesa at mabilis na kinuha ang isang tablet, na kaniyang ipinasok sa bag, saka siya umalis na tila walang nangyari.

Pagkabalik ng estudyante sa mesa, napansin niyang nawawala ang kaniyang mga gadget.

Nang suriin ang CCTV, nakita ang lalaki na isa palang outsider, at iniulat siya sa pulisya.

Nadakip ng mga awtoridad ang suspek na si Raymond Azaña, 30-anyos, makalipas ang mahigit dalawang linggo.

Lumabas sa imbestigasyon na may patong-patong nang reklamo laban kay Azaña, kung saan nakapambiktima na siya ng iba pang estudyante sa tatlong private universities sa Maynila.

Nakuha ang isang baril kay Azaña, na umaming pumapasok sa mga eskuwelahan para magnakaw.

“Nalulong po kasi ako sa sugal. Sanhi ng pagkakalulong nakakagawa po ako ng mali,” sabi ni Azaña. —LBG, GMA Integrated News