Walong mag-aaral at isang security guard ang nasawi sa Belgrade, Serbia nitong Miyerkules matapos mamaril sa loob ng eskuwelahan ang isang 14-anyos na lalaking estudyante, ayon sa interior ministry.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ni Milan Milosevic, ama ng isa sa mga estudyanteng nakaligtas sa trahedya sa Vladislav Ribnikar elementary school, na nasa klase ang kaniyang anak nang mangyari ang pamamaril.
"She managed to escape. [The boy]...first shot the teacher and then he started shooting randomly," sabi ni Milosevic sa broadcaster N1.
Ayon kay Milan Nedeljkovic, alkalde sa central Vracar district kung nasaan ang eskuwelahan, sinisikap ng mga duktor na iligtas ang buhay ng isang guro.
Maliban sa walong estudyante at isang security guard na nasawi, sinabi sa pahayag ng interior ministry, na mayroon pang anim na mag-aaral ang dinala sa ospital.
Sinabi ni Sinisa Ducic, acting director ng pediatric clinic sa Belgrade, isa sa tatlong biktima na ginagamot ang nagtamo ng malubhang sugat sa ulo.
Ayon sa pulisya, naaresto sa eskuwelahan ang suspek na grade-7 student.
Batay sa nakuhang impormasyon ni Milosevic, inilarawan ang suspek na "quiet and a good pupil," at bagong sama lang sa klase.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng suspek sa ginawang pamamaril.
Ayon sa ulat, bihira ang mass shooting sa Serbia dahil sa mahigpit na batas sa pagmamay-ari ng baril.— Reuters/FRJ, GMA Integrated News