Nakasama at makakasagupa ng Pilipinas sa Group A ng 2023 FIBA World Cup ang Italy, Dominican Republic, at Angola. Dati nang nakalaban ng Pilipinas ang tatlong bansa at tumikim ng kabiguan ang mga Pinoy cagers.
Nitong Sabado, isinagawa sa Smart Araneta Coliseum ang palabunutan kung anong mga team mula sa 32 bansa ang magkakasama-sama sa walong grupo--na apat sa bawat grupo.
Hinati ang mga grupo upang maglaro sa tatlong host countries na binubuo ng Pilipinas, Japan, at Indonesia.
Apat na grupo ang maglalaro sa Pilipinas: Groups A at B sa Big Dome, habang ang Groups C at D sa Mall of Asia Arena.
Pero dalawa sa laro ng Group A ang gagawin sa Philippine Arena.
Ang Group E at F ay maglalaro naman sa Okinawa Arena sa Japan, habang ang G at H ay maglalaro sa Indonesia Arena.
Ang mga grupo
Ang Group A ay binubuo ng Pilipinas, Italy, Dominican Republic, at Angola. Ang Group B ay kinabibilangan ng South Sudan, Serbia, Puerto Rico, at China.
Mapapanood din sa Pilipinas ang koponan ng United States na kasama sa Group C ang Jordan, Greece at New Zealand.
Nasa Group D naman ang Egypt, Mexico, Montenegro, at Lithuania.
Maglalaro naman sa Japan ang Group E na kinabibilangan ng host country, Germany, Australia, at Finland. Kasama rin ang Group F na kinabibilangan ng Slovenia, Cape Verde, Georgia, at Venezuela.
Ang Indonesia ang host ng Group G na kinabibilangan ng Iran, Spain, Cote d’ Ivoire, at Brazil. Pati na rin ang Group H na binubuo ng Canada, Latvia, Lebanon, at France.
Gaganapin ang mga laro simula sa Agosto 25 hanggang Setyembre 10.
Kilala na
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes, ngayon ay mas malinaw na ang gagawin nilang paghahanda dahil alam na nila kung anong mga team ang makakasagupa nila sa grupo.
“Well, this is the World Cup so there’s no such thing as an easy draw. But the best way I can categorize it, it’s not ideal but it could’ve been better,” ani Reyes.
“Good thing is that now we have some clarity on who we are playing and what kind of preparation is necessary to be at our best,” dagdag pa niya.
Dati nang nakasagupa ng mga Pinoy ang Angola sa 2019 World Cup, kung saan dumapa ang Pilipinas sa iskor na 84-81.
Sa naturang torneo, tinambakan naman ng Italy ang mga Pinoy sa iskor na 108-62.
Nakasagupa naman ng Gilas ang Dominican Republic sa 2020 Tokyo Olympics Qualifiers, kung saan nakatikim din ng talo ang mga Pinoy sa iskor na 94-67.
Ayon kay Reyes, kilala na nila ang kanilang kalaban at ganoon din naman ang kabilang koponan kaya asahan na umano ang magkakaroon ng mga sorpresa.
“But in the end that’s really going to be determined by how well we can prepare, how well we can get together, play together, and how many quality tuneup games we can get,” sabi ni Reyes. —FRJ, GMA Integrated News