Nasunog ang apat na bahay sa pagsiklab ng apoy sa isang residential area sa Barangay Culiat, Quezon City Huwebes ng gabi.
Nagsimula umano ang apoy nang may nag-spark na wire sa ikalawang palapag ng isang bahay.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes na nangyari ang sunog pasado alas-onse ng gabi sa Purok 5.
Ilang minuto lamang umano ang lumipas ay lalong lumaki ang apoy at kumalat sa magkakadikit na bahay. Naapula ang apoy bandag 12:30 kinabukasan.
Ayon kay Joselito Bauzon, may-ari ng bahay, Nagsimula ang sunog sa mga spark ng malalaking wire hanggang sa lumiyab na at hindi na nila maapula ang apoy, hanggang sa dumating na ang mga bumbero.
Ayon sa mga taga-Bureau of Fire Protection (BFP), natupok ang apat na bahay at apektado ang apat na pamilya sa sunog na umabot sa unang alarma. —LBG, GMA Integrated News