Sa kulungan ang bagsak ng isang taxi driver matapos tangayin ang cellphone ng isang French national na nagpakita sa kaniya ng address at sasakay sana sa kaniyang taxi sa Makati City.
Ang suspek, pinalitan umano ang mga marking at plaka ng sasakyan para makalusot sa krimen.
Sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV na nilapitan ng dalawang babae ang isang taxi para sumakay.
Iniabot ng isang French national ang cellphone sa driver para ipakita ang address na kanilang bababaan. Pero sa halip na magpasakay, agad humarurot palayo ang taxi driver na tangay ang cellphone.
Pagkaraan ng dalawang araw, nadakip ang taxi driver na si John Orbase. Nabawi sa loob ng taxi ang isang bag at isang cellphone na tinangay umano ng suspek sa isang bystander na pinagtanungan niya ng direksyon.
Mariing itinanggi ng suspek ang mga alegasyon sa kaniya.
Pero ayon sa pulisya, itinago ng suspek ang tunay na markings ng kaniyang taxi at pinalitan ang plaka para makalusot sa krimen.
Sinampahan na ng reklamong robbery-snatching ang taxi driver. —LBG, GMA Integrated News