Nasabat ng ma awtoridadad sa Quezon City ang aabot sa P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa suspek na dati na rin umanong nahuli dahil sa iligal na droga.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isinagawa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Novaliches Police sa isang bakanteng lote sa barangay Gulod.
Nakuha mula sa suspek na si Bryan Santos ang ilang plastic ng hinihinalang shabu na sa kabuuan ay aabot ng 500 gramo, na may street value na P3.4 milyon.
Ayon sa mga pulis, mga concerned citizen ang nagsumbong sa talamak na pagbibenta ng droga ng suspek.
"Based on our surveillance and intellegence personnel na ang area of operation nito ay umaabot ng Manila, Valenzuela, Caloocan, Novaliches, at Fairview. Medyo malaki ang operation nito. Nakakabenta ito ng isang kilo a week o aabot sa P6.8 milyon," ayon kay Police Lt. Col. Jerry Castillo, Novaliches Police Station Commander.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Quezon City Police District na nanging negosyo na ng pamilya ni Santos ang pagbibenta ng droga.
Sangkot umano ang ama nito at ang isa pang kapatid sa drug trade.
Dati nang nakulong dahil sa pagbibenta ng marijuana ang suspek at kalalaya lamang umano nito noong nakaraang taon.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —LBG, GMA Integrated News