Nadakip na ng mga pulis ang isa sa dalawang suspek sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Balut, Tondo sa Maynila, at nagdulot ng pangamba dahil sa umano'y serial killer.

Sa ulat ni Jaime Santos sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Jayjay Martilino, na naaresto sa Purok 4 Barangay 28 sa Caloocan City.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na isang nakakulong sa piitan sa Bicutan, Taguig ang nagbayad at nag-utos umano kay Martilino at sa kasama nito na isagawa ang mga pagpatay.

Si Martilino ang suspek sa pamamaril sa isang pedicab driver noong Linggo sa Nepa St. corner Rodriguez sa Balut.

Nitong Sabado, isang lalaki rin ang binaril at napatay sa Nepa St. corner Paulino.

Kasunod ng dalawang insidente ng pagpatay, lumabas sa social media ang video tungkol sa umano'y "serial killer" sa Balut na itinuturo sa isang "Joel Blondi."

Matapos maaresto si Martilino, nagsagawa ng pulong balitaan ang kapulisan kasama si Manila Mayor Honey Lacuna, para pabulaanan ang kumalat sa social media tungkol sa umano'y serial killer sa Balut.

Bukod kay Martilino, iprinisenta rin sa media si Joel Blondi upang linawin na hindi siya suspek sa dalawang nangyaring patayan.

Lumutang din ang taong nasa likod umano ng video sa social media na nagbabanta kay Joel Blondi, at isinasangkot siya sa patayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Police Colonel Jhun Ibay, Station Commander ng Raxabago MPD Station, na lumalabas na may kaugnayan sa gang war ang nangyaring krimen.

Kaalitan umano ni Joel Blondie ang isang "Jerome" na nakakulong sa Bicutan na nag-utos umano at nagbayad ng P50,000 kay Martilino para gawin ang pagpatay.

Sinabi ni Martilino na malawak ang galamay ng mastermind sa krimen at dinadala lang umano sa kanila ang pera at "gamit" para isagawa ang krimen.

Tinutugis na ng mga pulis ang kasama ni Martilino na bumaril umano sa biktimang pinaslang noong Sabado.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa iba pang kasabwat ng grupo ni Martilino.--FRJ, GMA Integrated News