Sa kulungan ang bagsak ng dalawang magkaibigang lalaki na nagpanggap na nangangalakal, matapos silang maaktuhang nagnanakaw na pala ng isang tricycle sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang mga suspek na sina Nelson dela Cruz, 21-anyos, at Rommel Amoyo, 19-anyos.
Naudlot ang kanilang pagnanakaw matapos silang mahuli ng mga rumurondang tanod sa Brgy. Santo Niño.
Ayon sa barangay, pinagdudahan nila ang kilos ng magkaibigan dahil kilala nila ang may-ari ng tricycle.
“Hinihila na eh, kasi nasa gutter, naibaba na nila, tinutulak na nila. Ang style ng isa kunwari magbabasura. Talagang kahina-hinala kasi at the same time binabantayan na namin ‘yan eh, kasi nga sa dami ng report,” sabi ng kagawad ng Brgy. Sto Niño na si Willie Concepcion.
Nagulat na lamang ang may-ari ng tricycle nang matuklasan ang pagnanakaw.
Napag-alaman ng pulisya na responsible rin ang mga suspek sa iba pang insidente ng pagnanakaw.
Dumepensa ang mga suspek na wala silang planong nakawin ang tricycle.
“Hihiramin lang po sana,” sabi ni Dela Cruz, na pang-apat na beses nang makukulong dahil sa pagnanakaw.
Ngunit nang tanungin kung nagpaalam sila sa may-ari, “Ayun lang po ang pagkakamali namin,” sabi ni Dela Cruz, na umaming hindi nagpaalam na kukunin ang tricycle.
Samantala, kalalaya lang ni Amoyo dahil din sa pagnanakaw.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Law. —LBG, GMA Integrated News