Sinabi ni Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG) director Police Brigadier General Narciso Domingo na handa siya at siyam na iba pang police officer na maghain ng leave of absence para bigyan daan ang imbestigasyon sa nangyaring pagkakasabat sa P6.7-bilyong halaga ng shabu. Pero masama ang loob ng opisyal dahil sa alegasyon na mayroon umanong cover-up na nagaganap tungkol sa nasabing usapin na sangkot ang isa nilang tauhan.

"We will comply with the order of Secretary of Department of Interior and Local Government Benhur Abalos. We will file our leave of absence right after this press conference," sabi ni Domingo nitong Martes.

Itinanggi niya na nagkaroon ng pagtatakip sa kaso matapos na masangkot sa nasabat na mahigit 990 kilo ng shabu si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr., na inalis na sa serbisyo.

“We assure you that that there was no attempted cover-up here, kung 'yun po ang iniisip ng karamihan na ang  PDEG kami ay nag-cover up sa maling pinaggagawa ng mga tao namin,” giit ni Domingo.

Nitong Lunes, umapela si Abalos sa dalawang police generals at ilan pang police officer na mag-leave para bigyan daan ang imbestigasyon sa umano'y hinalang may cover-up sa nangyaring pagkakasabat sa mga droga at pagkakahuli kay Mayo. Kung hindi umano maghahain ng leave of absence ang mga opisyal, sususpindihin sila.

Pero iginiit ni Domingo na ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho para labanan ang ilegal na droga. Katunayan, sinabi ng opisyal na itinuturing biggest drug haul ng PNP ang nasabat na droga mula kay Mayo, na batay sa police record ay intelligence officer ng PDEG.

“Let me express my dismay that this is being unfair on the part of those of us who just did our mandate and just did our fight against illegal drugs trade,” anang opisyal.

“Kami pa ngayon ang pinagdududahang kasabwat sa aming nahuling suspek,” dagdag niya.

Nitong Lunes, nagpakita rin si Abalos sa media ng CCTV footage nang mahuli si Mayo pero pinakawalan din umano kinalaunan.

Nakita rin sa video ang pagdating at pag-alis ng ilang matataas na opisyal ng PNP sa gusali kung nasaan si Mayo.

“Parang iba ang nangyari dun sa mga report na na-file ng PNP kasama na ang mga dokumento at mga testimonials na ibinigay ng police officers,” ani Abalos.

Aminado naman si Domingo na may kapabayaan sa police procedure sa pagkakaaresto kay Mayo. Pero nilinaw niya na bahagi ng "tactical" move ang pag-alis ng posas kay Mayo para madakip ang iba pang suspek sa Pasig matapos maaresto si Mayo.

Ayon kay PDEG Special Operations Unit in Region 4A chief Police Colonel Julian Olonan, plano nilang gamitin noon si Mayo para mapuntahan ang isang bodega sa Pasig.

Ngunit ayon kay Domingo, si PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang nagsabi na huwag ituloy ang naturang operasyon sa Pasig dahil baka mapahamak si Mayo.

“Natakot siya na papatayin si Mayo…kaya pina-cancel 'yung follow-up operation,” ani Domingo.

Sa isang pahayag, sinuportahan ng PNP ang panawagan ni Abalos na mag-leave of absence ang ilang police officers at ang gagawing imbestigasyon sa kaso ni Mayo.

“The PNP backs SILG's call for the voluntary submission of leave of absence by PNP officers depicted to be directly involved in the arrest of PMSgt Mayo as seen in the CCTV footages,” ayon sa pahayag.

“We believe that such is the most prudent thing to do by said officers to  prevent them to influence the investigation at any stage,” patuloy niya.

Bukod kina Domingo at Olonan, ang iba pang police officers na maghahain ng leave of absence ay sina:

Police Lt. Gen. Benjamin Santos, dating PNP deputy chief for operations;
Police Lt. Col. Glenn Gonzales ng Quezon City Police District;
Police Lt. Col. Arnulfo Ibañez, officer in charge ng PDEG SOU in NCR;
Police Major Michael Angelo Salmingo, deputy of PDEG SOU NCR;
Police Capt. Jonathan Sosongco, head of the PDEG SOU 4A arrest team;
Police Lt. Ashrap Amerol, intelligence officer of the PDEG Intelligence and Foreign Liaison Division;
Police Lt. Col. Harry Lorenzo station commander of the Manila Police District in Moriones; and
Police Capt. Randolph Piñon, chief of PDEG SOU 4A Intelligence Section.

—FRJ, GMA Integrated News