Inabangan at binuntutan ang isang lalaki bago siya binaril sa ulo sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Sa kuha ng CCTV, makikitang normal na naglalakad sa Quirino Highway ang suspek nitong Linggo ng hapon. Maya-maya pa, bumaba sa jeep ang biktimang kinilalang si Mac-Mac Bautista, 36 anyos, at pumasok sa isang eskinita.
Sa isa pang anggulo ng CCTV, makikitang sinundan ng suspek na may dala nang baril ang biktima. Hindi nahagip ng video ang aktuwal na pagbaril pero kita kung paano tumakas ang suspek sa lugar ng krimen hanggang sa makarating ito sa Quirino Highway.
Ayon sa pulisya, isa sa mga tinitignan nilang anggulo sa krimen ang kinasasangkutan umanong dalawang murder case ng biktima.
"Itong victim natin na-involve sa dalawang insidente. Isa ay noong September 30 kung saan ang biktima ay ang kaniyang kinakasama. Shooting incident. Ang pangalawa ay noong January 3, 2023, stabbing incident naman," ani Police Captain Jeff Tuyo, deputy station commander ng Novaliches Police.
"Marami tayong anggulong tinitignan and isa 'yan sa mga possibilities na ating pinag-aaralan," dagdag pa niya.
Dalawang basyo ng bala ang nakuha ng mga imbestigador mula sa pinangyarihan ng krimen.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin. Kung may impormasyon kaugnay sa suspek, maaaring makipag-ugnayan sa Novaliches Police Station sa mga numerong 0998-598-7948. —KBK, GMA Integrated News