Kasabay ng Semana Santa na panahon ng pagninilay, dumami rin ang mga naitalang insidente ng pagkalunod.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing tinangay ng alon ang pitong kabataan na nagkayayaang magswimming sa San Jose, Camarines Sur.
Lima sa kanila ang nalunod, nawawala ang isa habang isa ang nakaligtas.
Nalunod din ang isang 15-anyos na dalagita sa Daet, Camarines Norte.
Natagpuang patay naman sa Magat River sa San Mateo, Isabela ang isang babae na posibleng nag-picnic.
Isang magsasaka naman na nagtangkang tumawid sa ilog matapos makipag-inuman ang natagpuan sa pampang ng Cagayan River sa Angadanan, Isabela.
Nalunod din ang isang lalaking nakainom umano sa Santa Ana, Cagayan.
Isang lalaking 36-anyos ang nalunod din matapos matangay ng alon habang lumalangoy sa dagat sa Dipaculao, Aurora.
Nagpaalala ang Philippine Coast Guard sa publiko na mag-ingat kahit nakakalat ang kanilang mga tauhan sa iba’t ibang mga resort kasama ang mga emergency rescue unit, para maiwasang mauwi sa sakuna ang bonding time ng pamilya. —LBG, GMA Integrated News