Dinarayo ngayon ng mga Pinoy ang Kamay ni Hesus sa Lucban, Quezon, bilang isa sa mga pilgrimage sites tuwing Semana Santa.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa Saksi, sinabing mahigit 300 hakbang ang kailangang akyatin para marating ang pinakatuktok, kung saan naroon ang imahe ng Risen Christ na 50 talampakan ang taas.
Aabot sa 500,000 ang inaasahang daragsa roon hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.
May isinasagawa ring alay-lakad sa lugar mula Lucena City mula Huwebes hanggang Biyernes Santo.
Samantala, mahigit 100,000 ang inaasahang darayo sa Kawa-Kawa Hill and Natural Park sa Ligao City, Albay.
Sinabi ng mga dumarayo na magandang lugar ito para sa pagninilay, at presko rin dahil sa mga puno.
Nagpayo ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines sa mga deboto na ibalanse ang pamamahinga at spiritual activities tulad ng pagpunta sa simbahan, at huwag kalimutang magnilay at manalangin. —LBG, GMA Integrated News