Arestado ang isang lalaking nanghablot ng cellphone matapos siyang pagtulungang habulin ng mga rider sa Quezon City.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing pauwi galing sa trabaho si CJ nang makasalubong niya sa bangketa ang snatcher umano na si Gilbert Hormoc sa EDSA corner Timog Avenue.
Nang hablutin ng snatcher ang cellphone ni CJ, pumulupot ang earphones sa kamay ng biktima at naghilahan silang dalawa.
Naalis kalaunan ang earphones kaya nakuha ng suspek ang cellphone.
Sa kabutihang palad, may mga rider na nakakita sa insidente at tumulong na habulin ang snatcher.
Ayon kay CJ, higit sa limang rider ang tumulong sa kaniya. Rumesponde na ang barangay matapos makorner ng mga rider ang snatcher.
Nangingiyak ang suspek sa kulungan habang umaamin sa pagnanakaw na kaniyang ginawa, matapos maipatalo sa online sugal ang puhunan sa tinda nilang gulay na P3,000.
“‘Yun lang ‘yung paraan na alam kong mabilis na maibabalik ‘yung puhunan eh,” sabi ng suspek na dati na ring nakulong sa kasong may kinalaman sa droga noong 2016. — LBG, GMA Integrated News