Walang kongresista na tumutol nang pagbotohan sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang rekomendasyon ng House ethics and privileges committee na suspendihin ng 60 araw si Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves, Jr., dahil sa hindi pagsipot sa kapulungan kahit napaso na ang kaniyang travel authority sa abroad.
Sa ginawang botohan, 292 kongresista ang pumabor sa rekomendasyon, at walang tumutol.
Ayon sa House ethics and privileges committee, napatunayan na nagkasala si Teves ng “disorderly conduct affecting the dignity, integrity and reputation of the House of Representatives in accordance with the House Rules.”
“After thorough deliberation and observation of due process, the committee hereby recommends to the House of Representatives the imposition of penalty of 60 days suspension from the service upon Representative Teves for disorderly conduct,” ayon sa sponsorship speech ng committee report 472, na ginawa ni Rep. Felipe Espares, chairman ng komite.
Sa talumpati ni Speaker Martin Romualdez (Leyte), sinabi nito na hindi nila kokonsintihin ang maling asal ng kanilang mga kasamahan sa kapulungan.
“Under our leadership, the House will never ever countenance any conduct unbecoming [of] a House member,” ani Romualdez.
Una rito, binigyan ng pamunuan ng Kamara ng travel authority si Teves mula February 27 hanggang March 9.
Nang mapaso ang travel authority ni Teves, iminungkahi ni Romualdez sa kongresista na umuwi na at harapin ang mga ibinabatong alegasyon laban sa kaniya.
Nadadawit ang pangalan ni Teves sa nangyaring pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4.
May reklamo ring isinampa ang pulisya laban kay Teves kaugnay sa hiwalay na insidente ng mga pagpatay sa lalawigan.
Pero humiling si Teves kay Romualdez sa ipinadalang sulat na payagan siyang makapag-leave of absence ng dalawang buwan dahil umano sa banta sa kaniyang seguridad.
Noong March 15, binigyan ng House ethics and privileges panel si Teves ng limang araw na magpaliwanag at sumipot sa deliberasyon ng Kamara.
Itinanggi ni Teves ang mga ibinibintang laban sa kaniya. Sa video message noong Martes, sinabi ni Teves na biktima rin ng sitwasyon.
“Ang hinihingi ko lang naman fairness, at hindi yung ididiin yung isang tao. Hinihiling ko rin sana na tingnan ang lahat ng anggulo,” saad ng mambabatas.
“Paano natin makukuha ang totoong hustisya dito? Pareho lang kami ng pamilya Degamo na biktima dito. Ginagamit ako ng marami diyan for political milage. Nanawagan ako sa ating mahal na Presidente sobra na yung ginagawa ng ibang tao sa gobyerno sa akin, masyado na nila akong dinidiin, kinakawawa, at inaapi,” patuloy niya.
Nitong Miyerkules, hinikayat ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si Teves na bumalik na sa bansa.
"The only advice I can give to Cong. Arnie is that habang tumatagal ito, mas nagiging mahirap ang sitwasyon. So mas maaga kang makauwi mas marami pang option ang mangyayari. Pero kapag masyadong nang late, mapipilitan na ang gobyerno. We have to move without any discussions with you," anang pangulo. — FRJ, GMA Integrated News