Nagkawasak-wasak ang isang van matapos umanong makaidlip ang driver nito at araruhin ang ilang concrete barrier sa gitna ng EDSA-Main Avenue southbound sa Quezon City.
Ang pasahero ng taxi na nadamay sa aksidente, nagsusuka matapos maumpog ang ulo.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikitang mahilo-hilo pa ang driver ng van na si Albert Porcalla matapos sumalpok ang kaniyang sasakyan sa mga concrete barrier sa EDSA busway.
Sira ang unang bahagi ng van sa lakas ng impact, at wasak din ang likurang bahagi nito matapos namang masalpok ng isang taxi.
Ayon kay Porcalla, hindi mabilis ang kaniyang takbo, kundi nakaidlip lamang siya.
“Mga 60 [kph] lang. Naidlip lang talaga ako, namalayan ko na lang noong bumangga na paggising,” sabi ng driver, na itinangging nakainom siya.
Bago nito, naghatid si Porcalla ng mga empleyado sa Caloocan at pabalik na sana sa Pasay nang mangyari ang insidente.
Dinala sa pagamutan ang babeng pasahero ng taxi, na nagsusuka matapos tumama ang ulo sa upuan ng driver.
Sinabi ng mga tauhan ng Bagong Lipunan Crame na nakasasakop sa lugar na paiigtingin nila ang traffic signs at early warning devices para maiwasan ang mga aksidente. —LBG, GMA Integrated News