Dalawang batang magkapatid ang nasawi nang makulong sila sa nasusunog nitong bahay sa Mandaluyong City nitong Sabado ng umaga.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing tatlong bahay lang ang nadamay sa naturang sunog na naganap dakong 7:00 am sa Barangay Addition Hills.
Pero dalawang magkapatid na edad walo at lima ang nasawi. Nakaligtas naman ang panganay sa magkakapatid na nakadaan sa bubungan.
"Kahit na nainitan na siya roon sumisigaw pa rin siya para mailigtas niya mga kapatid niya pa rin daw. [Pero] hindi niya rin kinaya dahil sa sobrang init na rin," ayon kay Nino Ramirez, tiyuhin ng mga bata.
Nasa ikalawang palapag daw ng bahay nagtago ang walong taong gulang na biktima habang nasa itaas ang batang limang taong gulang.
Ayon kay Ramirez, magkasama sila ng ama ng mga bata para mangalakal nang mangyari ang sunog.
Sinabi ng mga awtoridad, makipot ang daan sa lugar na pinangyarihan ng sunog at nasasalubong ng mga bumbero ang mga tao na naghahakot ng maisasalbang gamit.
Sa di kalayuan, may nangyari din panibagong sunog pero wala namang nasaktan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng dalawang sunog.--FRJ, GMA Integrated News