Inaresto ang isang security guard sa Makati City dahil umano sa pangmomolestiya sa tatlong anak na babe ng kanyang kinakasama noong mga menor de edad pa lamang sila, mahigit isang dekada na ang nakalilipas.
Nangyari ang umano'y pang-aabuso noong 11, 12, at 14-anyos pa lamang ang mga biktima, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita.
Pahayag ni P/Maj. Edward Samonte, hepe ng Manila SMART, "Itong tatlong mga biktima ay pumunta daw sa himpilan ng pulisya sa Pasig City para maghabla ng ibang reklamo, yung non-support laban sa kani-kanilang mga asawa na hiwalay na rin sa kanila. Dun na nalaman na pare-parehas pala itong tatlo na inabuso umano nitong akusado. Pinayuhan ang tatlo ng Pasig City Women's Assistance Desk na ihabla na rin ang stepfather nila."
Nalaman daw na pare-parehong biktima ang magkakapatid ng kanilang stepfather matapos nila itong mapagkwentuhan sa presinto.
Dagdag ni Samonte, "Habang nasa palengke umano ang kanilang ina para sa kanyang negosyo, ay ginagawa ng stepfather ang pang-aabuso sa kanila."
Natunton daw ng mga pulis ang suspek dahil sa mga post nito sa social media.
"Sa pamamagitan ng social media, napag-alaman natin na namamasukan ang askusado bilang security guard. Very active siya sa TikTok ... itong akusado," pahayag ni Samonte.
Itinatnaggi ng suspek ang mga paratang sa kanya.
"Hindi totoo yan ma'am kasi kung menor de edad pa sila, noong 2019 po ay dapat isinampa na nila sa barangay ... suporta lang ang hinahabol nila," ayon sa suspek sa harap ng camera.
Dagdag niya, "Ngayon po willing akong magbigay ng suporta sa dalawang anak ko, tapos yung sa naging asawa ko po ay mag-usap na lang at sana maayos ang lahat." —LBG, GMA Integrated News