Inireklamo ng ilang may-ari ng sasakyan ang isang mag-asawa na tumangay umano ng kaniyang mga sasakyan matapos silang mahikayat na parentahan ang mga ito.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, inakusahan ng mga biktima na sangkot umano sa "rentangay" modus ang mag-asawang suspek na sina Rhofe at Jenween Canare.
Isa umano sa mga naloko ng mga suspek si Jocelyn Mamangon, na kinuha pa ang kaniyang investment sa stock exchange para bumili ng kotse, at pinarentahan sa isang hotel casino.
Ayon kay Mamangon, tatlong buwan lang na naging maganda ang bigay sa kaniya ng mga suspek. Pero pagkaraan nito, hindi na naibalik sa kaniya ang kaniyang sasakyan.
Hinahabol din daw siya ng mga kasamahang nahimok niya ring iparenta ang kanilang mga sasakyan.
“Galit na galit sila sa akin, kasi ‘yung mga pera nila, ako naman nagtiwala ako, walanghiya pala,” dagdag ni Mamangon.
Ayon naman kay Elissa Asistente, na isa rin sa mga biktima, hindi na sumasagot sa kaniya ang mga suspek na nangako na babayaran sa kaniya ang kinsenas at katapusan na P30,000 kaya siya nagtiwala.
Si Ramon Eleazar, nawalan din ng sasakyan na kaniyang pinarentahan.
“Hindi ko pa maihatid sa'yo yung sasakyan, nasa renter, tapos yung renter may binabantayan na lumpo na na-stroke,” sabi ni Ramon na idinadahilan umano ng mga suspek.
Kinasuhan na raw ng mga awtoridad ng carnapping at estafa ang mag-asawang Canare.
Unang nang nadakip at nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) si Rhofe, at kaniyang asawa naman si Jenween, nakatakdang dumalo sa pagdinig sa susunod na linggo.
Samantala, patuloy ding nag-iimbestiga ang pulisya upang alamin kung may iba pang mga nabiktima ang mag-asawa.-- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News