Hinatulan ng korte sa Spain na makulong at magbayad ng danyos ang isang Mexican beauty queen at kaniyang partner dahil sa ginawa nilang pagnanakaw ng mga mamahaling alak sa isang hotel-restaurant sa nasabing bansa noong 2021.
Sa ulat ng Reuters, sinabing guilty ang hatol ng Careres court sa kasong aggravated robbery laban sa 29-anyos na beauty queen na pinangalanan lang bilang si "Tatiana," at sa kasama niyang 47-anyos na Romanian-Dutch man na si "Estanislao."
Apat na taon ang bubunuin sa kulungan ni Tatiana, habang may dagdag na kalahating taon naman kay Estanislao.
Bukod sa kulong, inatasan din ang dalawa na magbayad ng danyos sa insurer na nagkakahalaga ng 750,000 euros ($799,000), o katumbas ng P45 milyon.
Batay sa court record, Oktubre 2021 nang mag-check in si Tatiana sa El Atrio hotel and restaurant na gamit ang pekeng Swiss passport, at tanging backpack lang ang dala.
Napansin daw noon ng hotel employee na magaang lang ang bag. Sumunod na dumating ang lalaki at nag-14-course dinner sila sa restaurant.
Pinayagan ang dalawa na mag-tour sa wine cellar ng resto. At pagsapit ng 2 a.m., umorder umano si Tatiana ng salad sa kaniyang kuwarto para malansi ang nag-iisang tauhan sa establisimyento ng mga sandaling iyon.
Ang kasama niyang si Estanislao, sumalisi na para kunin ang electronic key sa reception para mapasok sa pinaglalagyan ng mga alak. Noong una, mali pa umano ang nakuhang susi ng lalaki kaya humirit pa ng desert si Tatiana sa staff.
Bago pumutok ang araw, umalis na ang dalawa bitbit sa bag ang mga alak na umaabot ang halaga sa $1.7 milyon.
Noong July 2022, naaresto ang dalawa sa Croatia habang namamasyal. --Reuters/FRJ, GMA Integrated News