Hindi parcel kundi bata ang naging laman ng isang delivery box ng isang motorsiklo.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, makikita pa sa video ang pag-angat ng bata sa takip ng box.
Nag-viral ang video na nai-post ni Jeric Cruz sa social media, pero inalis na ito niya dahil sa pakiusap ng rider.
"Immediately po mag-i-issue po tayo ng show cause order po doon sa rider, sa may-ari ng motor," ayon kay Renan Militante, OIC ng Intelligence and Investigation Division ng Land Transportation Office (LTO).
Tinitingnan na rin umano ng LTO ang maaaring paglabag ng rider sa batas, kabilang na ang RA 1066 o ang Children's Safety on Motorcycles Act of 2015.
Tumangging magbigay ng pahayag sa harap ng camera ang rider, pero sinabi niyang gusto lamang daw niyang makauwi sila kaagad ng kayang anak na inaantok na. Tingin din daw niya, maskumportable ang bata sa loob ng utility box kaysa sa kalungin niya, ayon sa ulat ni Vonne Aquino.
Sabi naman ng DSWD, titingnan din nila ang kalagayan ng bata. Malinaw umano itong "child abuse" ang paglagay ng bata sa loob ng delivery box kahit ano pa ang paliwanag ng delivery rider.
Sinisikap pang kunin ng GMA Integrated News ang pahayag ng delivery app service na kinabibilangan ng delivery rider, ayon kay Vonne Aquino. —LBG, GMA Integrated News