Inaresto ng mga awtoridad ang isang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) dahil sa pagnanakaw umano sa smartwatch ng isang pasaherong Chinese sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radio dzBB nitong Miyerkules, sinabi ni OTS administrator Mao Aplasca na nangyari ang insidente dakong 2 a.m. sa security screening area.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng OTS, naiwan ng pasaherong Chinese ang kaniyang smartwatch sa tray na ginagamit sa x-ray machine sa security screening area.
WATCH: Sinabon ni Office of Transportation Security Administrator Ma. O Aplasca ang personel nilang nahuli sa pagnanakaw ng relo ng isang pasaherong Chinese sa NAIA Terminal 1 @dzbb (???? @OTS_DOTr ) pic.twitter.com/DPV0X5TFbq
— Luisito Santos (@luisitosantos03) March 1, 2023
Pero hindi na nakita ng pasahero ang kaniyang relo kaya inireport niya ito sa mga awtoridad.
Nang suriin ng mga opisyal ang CCTV footage sa security screening area, lumitaw na naiwan ang smartwatch sa tray, at pinatungan umano ito ng isa pang tray ng 31-anyos na suspek na OTS security screening officer.
Inaresto ang suspek ng mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group.
Itinanggi naman ng suspek ang paratang laban sa kaniya. Hindi pa nakikita ang nawawalang smartwatch.
Sinabon din ni Aplasca ang suspek dahil inilagay umano nito sa kahihiyan ang bansa.
“Grabe na yung kahihiyang na inabot natin hindi lang ng OTS pati buong bansa na tayo. Nakakahiya na tayo sa buong mundo ganoon pala ang effort natin na nawawala ang gamit pagkatayo ang dumaan,” ani Aplasca.
“Hirap na hirap na nga ang ating Presidente para magpromote ng ating bansa para magpunta dito yung mga turistang investors tapos sinisira lang natin. Hindi ba kayo nakonsensya? Bakit wala ba kayong suweldo?” patuloy niya.
Sa kabila ng pagtanggi ng suspek sa paratang, iginiit ni Aplasca na may katibayan laban sa kaniya.
“Hindi 'yan defense na wala sayo yung gamit pero meron tayong ebidensya na ikaw ang kumuha. Ngayon tatanggi ka pa. Sana magtanda kayo, harapin mo itong kaso na ito,” anang opisyal.
Bago nito, nauna nang nagkaroon ng alegasyon ng pagnanakaw ng mga tauhan ng security screening area nang mawalan ng pera ang isang Thai tourist.
Plano ng pamunuan ng paliparan na dagdagan pa ang security cameras at mga supervisor sa screening area.—FRJ, GMA Integrated News