Nang dahil sa tumalbog na tseke, natimbog sa Makati City ang isang babaeng wanted pala dahil umano sa iba't ibang kaso ng panloloko, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa 24 Oras Weekend nitong Linggo.
Kinilala ang suspek na si Barbara Bagabaldo, na inaresto matapos magbayad daw ng talbog na tseke sa hotel sa Makati City kung saan siya naka-checkin.
Nagkakahalaga raw ang tseke ng P51,000 ngunit napag-alaman na hindi ito lehitimo, dahilan para makipag-ugnayan ang management ng hotel sa mga kinauukulan.
Bukod sa tseke, natakot din umano ang management ng hotel sa apat na armadong lalaki na kasama ni Bagabaldo na ipinakilala niyang security niya.
Ayon sa pulisya, may nakabinbing arrest warrant kay Bagabaldo dahil sa pagkakasangkot umano niya sa "rentangay" at pagbebenta ng bahay, lupa, kotse at ari-arian gamit ang mga pekeng dokumento at iba't ibang pangalan.
"Magri-rent siya ng condo tapos ipapasa niya, ibibenta niya. Magri-rent siya ng kotse, tapos ibebenta 'yung kotse," ani Police Colonel Edward Cutiyog, hepe ng Makati City Police.
Dahil sa Facebook posts na marami na umanong naloko si Bagabaldo, tinitignan ng pulisya ang alegasyong big-time scammer siya.
Paliwanag naman ni Bagabaldo, nagbagong-buhay na siya at nangakong ibabalik ang pera ng kaniyang mga nabiktima.
Nasa P5 milyon umano ang utang ni Bagabaldo sa mga nakatransaksiyon niya sa kaniyang medical supplies business.
"Front lang ako ng ex-husband ko po. Pero honestly nandito ako para bayaran lahat-lahat ng atraso ko. Gusto ko lang magbago," ani Bagabaldo.
Naaresto rin ang apat na bodyguard ni Bagabaldo na walang pahayag. Ayon sa pulisya, posible silang maharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 11917 o Private Services Industry Act. —KBK, GMA Integrated News