Nakilala na ang isa sa dalawang suspek sa pamamaril at pagpatay sa turista na mula sa New Zealand na nanlaban matapos silang holdapin ng kaniyang nobyang Pinay sa Makati. May inilabas na P500,000 reward para sa ikadarakip ng mga suspek.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director Police Brigadier General John Kirby Kraft, ang suspek na si John Mar Manalo, residente ng Taguig City.
Naglalakad noon ang biktimang si Nicholas Peter "Nick" Stacey, kasama ang nobyang Pinay nang holdapin sila ng riding-in-tandem sa Makati City noong Linggo.
Positibong kinilala ng nobya ng biktima, at tatlong iba pang testigo si Manalo sa rogue gallery na iprinisinta ng pulisya.
“Para sa kaalaman ng lahat mayroon din po siyang standing warrant of arrest sa Bulacan. Ang kaniyang kaso ay robbery with violence against or intimidation of persons,” ayon kay Kraft.
“Kahit wala pa po ‘yung warrant sa pagkakapaslang sa dayuhang New Zealander, mayroon po siyang existing warrant of arrest. Maaari po siyang arestuhin anumang oras basta maituturo lang ng ating mga kababayan,” dagdag pa ng opisyal.
May nakalaan na P500,000 na pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip si Manalo.
“Nananawagan kami sa ating mga kababayan na tulungan ang mga kapulisan upang madaling ma-solve ang pagpatay sa isang turista na New Zealander. Ito na po ang ating suspect na-identify na po. Kailangan na lang po magturo kung saan nagtatago. Huwag po kayong mag-alala magiging confidential ang impormasyon lalo na ang identity,” sabi ni Kraft.
Pinayuhan niya si Manalo na kusa nang sumuko.
Napag-alaman na nagpunta si Stacey sa Pilipinas para bisitahin ang kaniyang nobyang Pinay. Nagtamo siya ng isang tama ng bala sa dibdib nang holdapin sila sa Barangay Palanan.
Kinondena ng Department of Tourism ang naturang krimen.
Sinabi ni Makati City Police chief Colonel Edward Cutiyog na nakikipag-ugnayan sila sa New Zealand embassy para sa repatriation ng mga labi ng biktima sa kanilang bansa.
“Hinihintay na lang po namin kung ano ang decision ng family. Kung pupunta po ba sila dito para kunin ang bangkay...So far, pina-process po natin sa Embassy ang mga documents na pwedeng gamitin para maipadala sa New Zealand,” sabi ni Cutiyog.—FRJ, GMA Integrated News