Walang nakaligtas sa apat na sakay ng Cessna airplane na bumagsak malapit sa bunganga ng Mayon Volcano sa Bicol, ayon sa alkalde ng Camalig, Albay.
Sa panayam ng Dobol B TV nitong Huwebes, sinabi ni Camalig Mayor Carlos Baldo, na natagpuan ang apat na bangkay malapit sa bumagsak na eroplano.
"Natagpuan na po 'yung apat na sakay ng eroplanong bumagsak po doon sa may crater ng Mayon, sa ngayon po retrieval na lang po kami," anang opisyal.
"Nandun lang sila sa may pinagbagsakan pero hindi doon sa loob ng eroplano," dagdag ni Baldo.
Ayon sa alkalde, malaking pagsubok ang pagkuha sa mga labi ng mga biktima dahil mahirap ang daan pababa.
Ipinaliwanag din ni Baldo na mapanganib na gumamit ng aircraft sa lugar.
Tinatayang aabutin ng hanggang apat na oras ang paglalakbay kapag ibinababa na ang mga bangkay.
Sa press conference din kaninang umaga, inihayag ni Baldo na umaasa siya na maibaba ang mga biktima ngayong araw.
"Sana matapos ngayong araw. Alam naman nating 'yung family naghihintay na rin," anang alkalde.
"Kahit napuntahan na ['yung crash site], hindi ganun kadali ibaba," dagdag niya.
Tungkol sa bumagsak na eroplano, sinabi ni Baldo na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang magpapasya kung ano ang gagawin dito.
Sa isang pahayag, sinabi ng CAAP na nagpadala sila ng mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection - Special Rescue Force (BFP-SRF) para magbigay ng dagdag na tulong sa retrieval team.
"CAAP, through the Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC) and the other involved agencies, will enter into the conclusion of the search and rescue (SAR) operations for RP-C2080 once the aircraft and all its occupants have been located and accounted for," ayon sa pahayag.
Nitong Sabado, sinabi ng CAAP na nawalan ng contact ang Bicol International Airport air traffic controllers sa Cessna 340 airplane na sakay ang isang piloto, isang crew member, at dalawang dayuhang pasahero na consultant ng power firm Energy Development Corporation (EDC).
Sa pahayag, kinilala ni Richard Tantoco, EDC president and COO, ang mga sakay ng eroplano ana sina pilot Captain Rufino James Crisostomo Jr., Joel G. Martin, Simon Chipperfield, at Karthi Santhanam.
"Our heartfelt sympathies go to their families and friends during this difficult time," ani Tantoco.
"It is with the deepest gratitude that we thank the tireless efforts of all the rescuers from branches of government, civilian volunteers, and EDC Emergency Response Teams from across the country." —FRJ, GMA Integrated News