Huli sa akto ang pag-atake ng ilang menor de-edad na tinatawag na "jumper" boys na pinupuntirya umano ang mga truck sa Mel Lopez Boulevard sa Maynila para pagnakawan. Ang isa sa mga suspek, nadakip ng nakasibilyang pulis.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, makikita sa video ang ilang kabataan nitong Sabado na nakasampa sa likod at may nasa ilalim ng nakatigil na truck.
Nahawakan ng isang lalaking motorista ang binatilyong suspek, habang nakatakas naman ang isa pa.
Pilit na nagpupumiglas ang binatilyo pero hindi siya pinakawalan ng lalaki, na napag-alaman na pulis na nakasibilyan, at matagal ding na-assign sa lugar.
“Bale sinasaway na siya ng pulis. Eh ayaw nila makinig akala nila bystander lang doon na nagmomotor. Hindi nila alam pulis pala 'yon,” sabi ni MPD Station Commander Police Captain Renz Kizztofer Figueroa.
Base sa imbestigasyon ng mga pulisya, ang karaniwang target ng mga nagnanakaw sa mga dumadaang truck sa naturang lugar na dating R-10 ay tools at baterya dahil madaling ibenta.
Dahil menor de edad ang suspek, itinurn-over siya ng pulisya sa kaniyang ina sa tulong na rin ng barangay.
Depensa ng ina na walo ang anak, “Sir, sinasabihan ko naman po 'yan eh nababarkada lang po talaga siya. Halos siya na lang binabantayan ko eh.”
Gayunman, aminado ang ina na nahuli na rin noong nakaraang Setyembre ang kaniyang anak sa katulad na kasalanan.
Idinahilan naman ng binatilyo sa kaniyang ina na napagkamalan lang siya. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News