Naimbento na ang kauna-unahang airbag jeans o pantalon na nagiging airbag, na poprotekta sa motorcycle riders kung sakaling maaksidente sila at sumemplang sa kalsada.
Sa Next Now, sinabi ng Swedish company na Airbag Inside na ang airbag jeans na maangas din ang porma ay gawa sa Armalith denim, na pinakamatibay sa mundo.
Kaya kung sumemplang o mahulog ang isang rider mula sa kaniyang motor, gagana ang CO2 cartridge sa pantalon na magbibigay ng instant air cushion.
Hindi rin madaling magasgas ang tela kaya protektado pati ang balat ng rider.
Nasubukan na ang airbag jeans sa motorsiklong may bilis na 70 kph.
Ayon sa bumuo ng airbag jeans, ginawa nila ang pantalon para maprotektahan ang ibabang bahagi ng riders tulad ng binti at tailbone.
Maiiwasan din ng riders ang spinal column injuries na maaaring mauwi sa pagkaparalisa.
“The only impact protection you have in regular motorcycle jeans are basically the knee protectors. With an airbag, wow, we’re talking about whole, this is completely different level. This is impact protection for, like, a big part of your body,” sabi ni Moses Shahrivar ng Airbag Inside.
Mabibili ang airbag jeans sa halagang £420 o mahigit P27,700, simula Pebrero 28 sa itinakdang website ng kumpanya. —LBG, GMA Inyegrated News