Nagimbal ang mga pedestrian at mga motorista matapos magkaroon ng malakas na pagsabog mula sa isang restaurant na malapit sa kalsada sa China. Alamin ang pinagmulan ng pagsabog
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa isang CCTV ang pagtilapon ng mga bubog at debris mula sa restaurant sa Guandong dahil sa pagsabog na dulot ng gas leak.
Natumba at muntik pang mabangga sa isang sasakyan ang isang dumaraang motorsiklo.
Umuga rin ang CCTV camera sa kalsada sa pagyanig dahil sa malakas na pagsabog.
Tatlong katao ang napaulat na sugatan sa pagsabog. Sa kabutihang palad, walang tao sa loob ng restaurant nang mangyari ang insidente.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, tumagas ang isang depektibong gas cylinder, na siyang ugat ng pagsabog.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, nagkaroon din ng malakas na gas explosion sa isang gusali sa Moscow, Russia.
Bumigay ang malaking bahagi ng gusali sa lakas ng pagsabog, at nabagsakan ng mga tipak ng semento at iba pang debris ang mga nakaparadang sasakyan.
Patay ang hindi bababa sa lima dahil sa insidente, kabilang ang isang dalawang taong gulang na bata, at 11 ang sugatan.
Sinabi ng mga awtoridad na madalas nagkakaroon ng gas explosions sa Russia dahil luma na ang mga gusali at iba pang istruktura, at mahina pa ang monitoring at pagpapatupad sa safety regulations kaugnay ng gas use.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News