Dahil sa pagguho ng maraming gusali sa Türkiye kasunod ng magnitude 7.8, ipinaaresto ang mahigit 100 property developers doon kaugnay sa isasagawang imbestigasyon. Ang ilan sa dinakip, bibiyahe na sana palabas ng bansa.
Sa video ng GMA News Feed, makikita ang pagguho ng ilang gusali kahit ilang segundo pa lang sa unang pagyanig ng lindol na naganap noong Pebrero 6.
Libu-libong tao ang natabunan sa mga guho, at marami pa sa kanila ang hindi nasasagip o nakikita.
Umabot nasa mahigit 33,000 ang kumpirmadong nasawi sa lindol sa Türkiye at katabi nitong bansa na Syria.
Ayon sa vice president ng Türkiye, natukoy na ang mahigit 100 developer at kontratista ng mga gumuhong gusali sa may 10 lalawigan sa kanilang bansa.
Nangako ang kanilang gobyerno na iimbestigahan kung sino ang mga may pananagutan sa nangyaring mga paggguho.
Hanggang nitong Pebrero 12 , umabot na sa 113 ang inaresto. Kabilang sa mga dinakip property developer na si Mehmet Yasar Coskun, na hinarang ng mga pulis sa airport habang patungo sa Montenegro.
Si Coskun umano ang kontratista ng isang residential block na gumuho sa Antakya.
Sa kaniyang pahayag sa prosekusyon, sinabi nito na hindi niya alam kung bakit gumuho ang mga gusali.
Wala rin daw kinalaman sa trahedya ang kaniyang gagawing biyahe.
Dinakip rin ang developer na si Yavuz Karakus at kaniyang asawa na papunta naman sana sa Georgia.
Hindi pa nailalabas ang kanilang pahayag. --FRJ, GMA Integrated News