Pinabagsak ng isang US fighter jet nitong Sabadpo ang "unidentified cylindrical object" o mahabang pabilog na bagay na lumilipad sa himpapawid Canada.
Batay sa ulat ng Reuters, sinabing pangalawang insidente na itong pagpapabagsak ng US Air Force ng lumilipad na bagay sa loob ng ilang araw.
Nauna rito ang sinabing "spy balloon" ng China sa himpapawid ng South Carolina, USA, isang linggo na ang nakalilipas.
Samantala, nagpalipad din ang US ng fighter jets sa himpapawid ng Montana upang imbestigahan ang isang "radar anomaly" na nagdulot ng pagsara ng kanilang airspace services, ayon sa isang pahayag ng North American Aerospace Defense Command (NORAD).
Ayon sa ulat ng Reuters, si Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang unang nag-anunsyo sa ginawang pagpapabagsak ng lumilipad na bagay sa himpapawid ng hilagang teritoryo ng Yukon, at sinabi niyang susuriin ng Canadian forces ang mga peraso ng pinabagsak na object.
"Canadian Defense Minister Anita Anand declined to speculate about the origin of the object, which she said was cylindrical in shape," ayon sa ulat ng Reuters.
Maliit lamang umano ng kaunti ang pinabagsak sa Canada kumpara sa Chinese spy balloon sa South Carolina, ayon kay Anand.
Dagdag ni Anand: "There is no reason to believe that the impact of the object in Canadian territory is of any public concern."
Ayon sa Pentagon, batay sa ulat ng Reuters, namataan ng NORAD ng "flying object" sa himpapawid ng Alaska noong nakaraang Biyernes.
Samantala, ayon sa ulat, nagkasundo sina US President Joe Biden at Trudeau na ipagpapatuloy ang close cooridnation ng US at Canada upang depensahan ang kani-kanilang airspaces.
Sa isang pahayag, sinabi ni Biden at Trudeau na pinag-usapan na nila ang "Importance of recovering the object in order to determine more details on its purpose or origin."
Noong Biyernes, sinabi ng Pentagon na kakaunti pa lamang ang mga detalye na kanilang nakuha hinggil sa flying object sa Canada na kasing laki lamang ng maliit na kotse.
Pahirapan umano ang pagsiyasat sa naturang bagay sanhi na rin ng malamig na panahon at mahirap na Arctic weather conditions.
Matatandaang nong ika-4 ng Pebrero pinabagsak ang US fighter jet ang, ayon sa US government, "Chinese surveillance balloon" sa himpapawid sa karagatan ng South Carolina, matapos itong tumawid sa patungong US mula sa himpapawid sa isang bahagi ng Canada.
Iginiit ng China na isang civilian research vessel lamang ang dambuhalang puting balloon.
Isinailalim na sa pagsusuri ang mga bahagi ng pinabagsak na balloon upang malaman kung ano ang dating kakayahan nito sa pang-e-espiya. —LBG, GMA Integrated News