Nadakip ang isang lalaking kabilang sa most wanted list sa buong bansa, matapos niyang patayin umano ang isang batang lalaki at helper nito sa Negros Oriental halos 25 taon na ang nakararaan. Giit ng akusado, napagbintangan lamang siya.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Jose Jorgio, 59-anyos, na hinuli ng sanib-pwersa ng Caloocan Police at Northern District Intelligence Team.
Isa si Jorgio sa mga most wanted person sa buong bansa ayon sa listahan ng Department of the Interior and Local Government, at higit dalawang dekada nang pinaghahanap ng batas.
Lumabas sa imbestigasyon na noong dekada 90, kinontrata umano si Jorgio para paslangin ang isang ginang.
Pero nang magtungo sa bahay ang suspek, hindi niya naabutan ang target kundi ang dalawang bata na anak ng ginang at helper nilang lalaki, na kaniyang pinuntirya.
Nasawi ang helper at isa sa mga bata. Nakaligtas ang isa pang bata, na siyang tumestigo at kumilala kay Jorgio.
Itinanggi ito ng akusadong si Jorgio, at napagbintangan lamang siya.
“Nililinaw ko lang po na wala akong kinalaman, hindi ako ang may salarin diyan. Hindi po ako masamang tao, matino akong tao,” sabi ni Jorgio.
Hindi rin nagtago ang suspek dahil hindi niya alam na may kaso laban sa kaniya.
Lumuwas lamang si Jorgio mula Negros Oriental papuntang Maynila dahil sa takot sa mga NPA, dahil dati siyang miyembro ng civilian forces noong martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Natatakot pa rin si Jorgio kaya nakiusap siyang huwag ipakita sa camera ang kaniyang mukha.
Sinabi ng pulisya na naipaalam na nila sa nagsampa ng kaso ang pagkakadakip kay Jorgio.
Ibibiyahe sa Dumaguete City ang akusado para iharap sa korte sa lungsod.
Gusto naman ng suspek na makaharap niya ang nagsampa sa kaniya ng kaso.
“Basta makita ko ‘yung tao, bakit nakapagsalita siya baka sino ang nagturo-turo lang na wala pang sigurado,” sabi ng suspek. — VBL, GMA Integrated News