Nadiskubre ng mga awtoridad ang aabot sa P252 milyong halaga ng umano'y shabu sa loob ng abandonang sasakyan sa Parañaque City.
Nakabalot ang hinihinalang droga sa mga lalagyan ng tsaa.
Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, nakunan ng CCTV ng Barangay Tambo ang isang pulang SUV na biglang ipinarada sa isang pedestrian crossing sa kahabaan ng Quirino Avenue pasado alas-dos ng hapon noong Miyerkoles.
Nasapul pa ng mga CCTV sa lugar ang pagtakbo ng driver na nakaputing T-shirt papalayo sa lugar kung saan niya ipinarada ang SUV.
Ine-report na ng mga residente sa mga awtoridad ang tungkol sa sasakyan bago mag-alas-sais ng gabi, matapos mapansin na ilang oras nang nakaparada ang SUV sa may pedestrian crossing.
Nang inspeksyunin ang loob ng abandonadong sasakyan, tumambad sa mga awtoridad ang 27 tea bags na naglalaman hinihinalang shabu.
Higit-kumulang isang kilo umano ang timbang ng laman ng bawat tea bag. Kaya ang estimated cost ng kontrabando ay aabot sa P252 milyon, ayon sa mga awtoridad.
Ikukonsulta sa LTO ng mga pulis ang detalye ng SUV upang malaman kung sino ang may-ari nito.
Aalamin din umano ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng driver na nakunan ng mga CCTV camera na tumatakbo papalayo sa ipinaradang sasakyan na nakunan ng mga kontrabando.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. —LBG, GMA Integrated News