Naiyak na lang ang isang taxi driver sa kabutihang ipinakita sa kaniya ng isang turistang Israeli national matapos siyang patawarin sa kabila ng ginawa niyang pagtangay sa mga bagahe at pera nito. Ang dahilan ng dayuhan kung bakit niya pinatawad ang suspek, alamin.
Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Miyerkules, nakita sa kuha ng CCTV camera na bumaba mula sa taxi ang biktimang si Hever Ben-Horin para magtanong sa isang hotel sa Makati City noong gabi ng Pebrero 6, 2023.
Pero sa halip na hintayin ang dayuhan, umalis ang taxi na minamaneho ni Rudy Vihil. Dala nito ang lahat ng gamit ng dayuhan kabilang ang pasaporte at pera na aabot sa $2,000.
“Umalis na agad yung taxi, nandyan yung malalaking bagahe na malaki, nandyan yun laptop niya, nandun yung pera niya,” saad ni Police Colonel Edward Cutiyog, Makati Chief of Police.
Sa isinagawang operasyon ng pulisya, natunton ang taxi sa isang bahay sa Cainta, Rizal. Naaresto ang suspek at nakita rin ang mga gamit ng dayuhan.
“Agad po tayo nagsagawa ng follow up investigation, nung matukoy kung nasaan ang taxi, agad tayo nagsagawa ng follow up operation,” pahayag ni Southern Police District (SPD) Director Police Brigadier General Kirby John Kraft.
Noong una, idinahilan ni Vihil na hindi niya alam na nadala niya ang mga bagahe ng biktima. Pero sa presinto, inamin niya na natukso siya.
Pero sa halip na kasuhan, nagulat ng mga pulis nang biglang patawarin ng biktima ang driver.
Naiyak naman ang taxi driver sa kabutihang ipinamalas sa kaniya ng kaniyang biniktima.
Ang dahilan ng dayuhan kaya hindi na siya nagsampa ng reklamo, "If God can forgive him, who am I not to forgive this guy. I want to give him second chance.”
Aminado ang suspek na mali ang kaniyang ginawa at hindi na raw niya uulitin na kaniyang ipinangako mismo kay Hever.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News