Mula sa kaniyang dating gawain na manghuli ng mga pawikan, tagapangalaga na ngayon ng mga naturang hayop ang isang lalaki sa La Union matapos niyang malamang endangered species na pala ang mga ito.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules, ikinuwento ni Jesse Cabagbag na gabi-gabi siya noong nanghuhuli ng mga pawikan at nangunguha ng itlog nito para ibenta o ulamin.
Ngunit nagbago ang kaniyang pananaw matapos sumailalim sa training at matuklasan niyang ilegal ang kaniyang ginagawa dahil sa endangered species na ang mga pawikan.
Ngayon, hinuhuli na lang niya ang mga pawikan para lagyan ng 'tag' na ginagamit upang pagaralan ang mga eto tapos ay muli niya etong pinapakawalan sa dagat. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News