Arestado ang isang tricycle driver matapos makumpiska sa kaniya ang mahigit P500,000 na halaga ng umano'y shabu sa Batasan Hills, Quezon City. Depensa ng suspek, itinanim lang sa kaniya ng mga pulis ang hinihinalang droga.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si William Santos, na dinakip ng mga operatiba ng QCPD Station 6 sa isang buy-bust operation Miyerkoles ng gabi.
Bago nito, nadakip na rin si Santos noong 2018 dahil din sa pagtutulak, at kalalaya lamang Nobyembre noong nakaraang taon.
Nakuha mula sa kaniya ang nasa 75 gramo ng shabu umano, buy-bust money at cellphone.
Nakapagbibitaw umano ang suspek ng bulto-bultong shabu.
Giit ng suspek, walang nakuha sa kaniyang droga.
"Ipinatong lang nila sa akin lahat ng mga ano na 'yan eh," sabi ni Santos.
Pero ayon sa pulisya, lehitimo ang kanilang operasyon at nagsagawa sila ng case build-up at surveillance.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News