Sa kulangan ang bagsak ng isang lalaki na nagbanta umano laban sa dati niyang ka-live in na ipakakalat ang maseselan niyang video at litrato kung hindi susunod sa gusto niyang mangyari.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong huwebes, sinabing sa Tipas, Taguig na nasakote ang isang lalaking makikipagkita sana sa dati niyang live-in partner matapos niyang i-blackmail at pagbantaan ang kanyang "ex" na ipakakalat ang mga maseselang video at litrato ng biktima kung hindi ito makikipagtalik sa kanya.
Pero sa halip na dating ka-live in niya ang dumating sa lugar na pagtatagpuan nila, mga undercover na pulis ang nakikipagtagpo sa kanya sa ikinasang entrapment operation sa Taguig nitong Miyerkoles.
"Itong si victim, nagpunta sa office namin sa ng EDAC, complaining former live-in partner so, allegedly, sometime ago, nag-break up sila and then every time na gusto makipag-sex ni suspek, tine-threaten niya si victim na i-expose ang explicit photos and videos ni victim. Naturally, nagi-give in si victim until such time she can no longer take it," pahayag ni Police Captain Michelle Sabino ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG).
Nung hindi umano napagbigyan ang suspek kamakailan, nang-hack pa umano ito ng social media account ng anak ng biktima, kung saan siya nag-post ng mapagbantang content. Ititigil lang umano ng suspek ang kanyang ginagawa kung makikipagkita ang biktima.
Ito na rin umano ang nagbigay sa mga awtoridad ng oportunidad para sa entrapment ng suspek.
Narekober mula sa suspek ang cellphone na ginamit niya sa pangba-blackmail sa biktima.
Walang ibinigay na pahayag ang suspek.
"Si suspek will be facing criminal charges for RA 9262 for Violence Against Women and their Children, Bawal Bastos Law, illegal access, grave threat and anti-photo and video voyeurism," dagdag ni P/Capt. Sabino. —LBG, GMA Integrated News