Walang kawala ang isang magnanakaw matapos matyempohan ng romorondang mga pulis sa Quezon City sa aktong dala-dala ng suspek ang safety vault na tinangay niya mula sa isang bahay.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nakatakas na umano sana ang lalaking nagnakaw sa isang bahay sa Barangay Veterans Village nang maaktuhan ng mga romorondang pulis at barangay tanod nitong Miyerkoles ng gabi.
Dala-dala ng suspek ang isang safety vault na isasakay na sana niya sa motorsiklo.
"Kahina-hinala yung dating niya. May dala-dala siyang vault. So, nagtaka na yung mga ano natin kung bakit may dalang vault," pahayag ni Police Lt. Col. Resty Damaso, Masambong Police Station commander.
Arestado ang suspek na kinilalang si Carlo Pangilinan.
Bukod sa vault na nagkakahalaga ng P20,000, ninakaw din ng suspek ang aabot sa 15 kilo ng bigas. Narekober din sa kaniya ang isang patalim.
Ikinagulat ng caretaker ng bahay ang pangyayari. Aniya, anim na araw daw siyang nagbakasyon sa probinsya at pauwi pa lang kagabi nang ipagbigay-alam sa kanya ng mga pulis ang insidente.
"Nung umakyat kami sa 2nd Floor, lahat kinalkal nya. Nung umakyat kami sa 3rd Floor, kinalkal niya rin lahat. Tapos sa 3rd Floor niya nakuha yung vault. Yung grills sa itaas ng gate, binaklas niya at doon dumaan. Tapos yung bintana sa may sala, yun ang sinara niya at doon siya pumasok," ayon sa caretaker.
Ayon sa mga pulis, ito na ang ika-7 beses na makukulong ang suspek dahil sa pagnanakaw. Aalamin ng mga pulis kung may iba pang mga kasama si Pangilinan, o may kinabibilangang grupo.
Umamin ang suspek sa ginawang krimen.
Mahaharap ang suspek sa reklamong robbery at illegal possession of bladed weapon. —LBG, GMA Integrated News