Tricycle driver na 50-taong-gulang ang isa sa dalawang mananaya na mapalad na nanalo at maghahati sa mahigit P142 milyong jackpot prize sa Grand Lotto 6/55 na binola noong Enero 7, 2023.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office, sinabing mula sa Calamba, Laguna ang naturang driver, na kinubra na ang parte sa napanalunang premyo.
Sa naturang draw, 44-13-19-33-27-39 ang lumabas na winning combination, at paghahatian ng dalawang nanalo ang kabuuang premyo na P142,580,483.20.
Mahigit isang dekada na umanong tumataya ng lotto ang naturang tricycle driver at minsan na ring nanalo ng second prize matapos na makuha ang lima sa anim na numero.
Plano umano ng tricycle driver na gamitin ang napanalunan sa pagbili ng lupa, pagpapatayo ng mga apartment, private resort, iba pang mga negosyo, at para sa pag-aaral ng dalawang anak.
Sa hiwalay na pahayag ng PCSO, sinabi naman na isang babae mula sa General Trias Cavite ang nanalo ng P23,971,499.60 sa Super Lotto draw noong December 22, 2022.
Ang mga lumabas na numero na 03-24-07-41-11-16, ay kombinasyon umano ng birthdate at edad ng kaniyang mga mahal sa buhay.--FRJ, GMA Integrated News