Arestado ang tatlong lalaki sa Quezon City dahil umano sa pagnanakaw sa isang hardware store sa Barangay Payatas, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Aabot daw sa mahigit P8,000 na paninda ang nakuha ng grupo tulad ng door lock at electrical supplies.
Madaling araw ng mabisto ang tatlo matapos bisitahin ng may-ari ang hardware niya na ilang beses na raw nanakawan.
"Noong pumasok siya doon napansin niyang magulo ang lugar at mayroon pa siyang napansin na may tao pa sa loob," ani Police Lieutenant Colonel Roldante Sarmiento, hepe ng Payatas Bagong Silangan Police Station.
"Kaya agad siyang tumawag dito at agad pa natin siyang narespondehan, at nahuli ang isang suspek natin doon sa loob," dagdag pa niya.
Kinilala ang naarestong suspek na si Jovie Gonzalvo na nagtago raw sa kisame ng hardware store.
Nahuli naman ang dalawang kasamahan ni Gonzalvo matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya tungkol sa kanila. Kinilala sila na sina Mark Joey Leano at Rannie Bacarra.
Napag-alaman na dati nang nakulong si Gonzalvo dahil sa pagnanakaw. Minsan na rin siyang na-hulicam na nagnanakaw ng baterya ng truck.
Ayon kay Sarmiento, ibinibenta ng mga suspek ang nanakaw nila sa mga junkshop sa lugar.
Aminado si Gonzalvo sa krimen habang itinanggi naman nina Leano at Bacara na sangkot sila sa pagnanakaw.
Mahaharap ang tatlo sa reklamong robbery. —KBK, GMA Integrated News