Arestado ang isang babae dahil sa reklamog "sextortion" matapos magbanta ang suspek sa isang lalaki na ilalabas ang maseselan niyang litrato kapag hindi magbibigay ang biktima ng P10,000.

Iniulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes na trauma umano ang inabot ng isang lalaking naghahanap lamang ng panandaliang aliw.

Nitong Enero, nagkakilala umano ng biktima ang  27-anyos na nagpakilalang si Anna Marie Nucom sa isang dating website. Nagkasundo silang magkita sa isang hotel sa Makati City.

"During the meetup, may napansin akong something weird about sa kanya. So, I decided not to continue the meetup dun sa hotel. Nung bumaba na kami, hindi ko napansin na nakuha na pala niya ang aking wallet, phone and some of my IDs," pahayag ng biktima.

Nung nagkahiwalay na sila, dun na raw nag-message ang suspek na kinuha niya ang cellphone, passport at isa pang ID at pera ng biktima na nagkakahalaga ng P2,000.

Base sa screenshot ng messages ng isa't isa, ipinatutubos ng suspek ang passport at iba pang gamit ng biktima. At bukod dyan, may iba pa umanong banta ang suspek.

"Nag-send lang siya ng isang picture, which I think, yung nagbibihis lang naman ako. Pinangtatakot din niya yun na ise-send niya sa family at sa friends ko," dagdag ng biktima.

P10,000 umano ang hiningi ng suspek sa biktima para hindi ipakalat ang litrato, at ganun din ang isa pa ring malaswang video.

"Posibleng maapektuhan ng pangba-blackmail ang career ko," dagdag ng biktima.

Kaya, agad na humingi ng tulong sa mga pulis ang biktima.

Nag-conduct ang mga pulis ng isang entrapment operation, ayon kay Police Col. Edward Cutiyog, Makati Chief of Police.

Tinext ng baktima ang suspek na magkita sila sa dating hotel na pinuntahan nila at dun na umano isinagawa ang entrapment operation, ayon kay Cutiyog.

Nang maaresto si Nucom, napag-alaman ng mga pulis na modus nya na pala ang "sextortion" at may nauna nang mga biktima.

Ayon sa mga pulis, nasa 10 hanggang 15 larawan at video ng iba't ibang lalaki ang nasa cellphone ng suspek.

Mahaharap si Nucom sa reklamong robbery-extortion. —LBG, GMA Integrated News