Patay ang isa umanong drug pusher matapos manlaban sa buy-bust operation sa Quezon City, at nakatakas naman ang kanyang kasabwat.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes na nauwi sa engkwentro ang isang buy-bust operation ng pulisya laban sa tulak umanong kinilalang si Jordan Balana.
Nagpanggap ang isang pulis na bibili ng item kay Balana sa halagang P2,500. Nagkita sila sa Barangay Damayang Lagi nitong Miyerkoles ng gabi.
Nang magkaabutan ng item at ng marked money, napansin umano ng suspek na pulis ang kanyang katransaksyon at agad siyang bumutnot ng baril at pinutukan ang poseur-buyer na police.
Malabuti na lamang umano at may backup ang nagpapanggap na buyer na pulis at nabaril si Balana, ayon kay Police Major Octavio Ingles Jr., deputy station commander.
Dead on the spot si Balana. Nakatakas naman umano ang kanyang kasabwat sakay ng motorsiklo.
Nakuha mula kay Balana ang nasa limang gramo ng umano'y shabu na nagakakahalaga ng P34,000.
Narekober din ang baril na ginamit ng suspek, na pang-apat sa sampung nasa listahan ng Street-Level Individual on Illegal Drugs ng Galas Police Station.
Dati na umanong nakulong si Balana at dating miyembro ng isang criminal group na nag-o-operate sa Quezon City at sa Maynila, dagdag ni P/Maj. Octavio.
Nagsasawa na ng followup operation ang pulisya upang mahuli ang kasamahan ni Balana na nakatakas. —LBG, GMA Integrated News