Binuksan simula ngayong araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mahigit 4,000 slots para sa mga bagong Transport Network Vehicle Service o TNVS operators.
Sa ulat ni Bam Alegre sa “Unang Balita” nitong Lunes, sinabing nasa 4,443 slots ang binuksan ng LTFRB sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City para sa mga nais magsumite ng kanilang mga aplikasyon.
Ayon kay Ian Figueroa, isang aplikante, inabutan daw ng pandemya ang kaniyang plano na mamasada bilang isang TNVS driver.
Aniya pa, madaling nauubos ang mga slots sa mga pagkakataon na sinubukan niyang mag-apply.
“Para makapag-ipon din at opportunity makabiyahe… kasi matagal na namin gusto namin ipasok ang mga sasakyan,” saad pa ni Figueroa.
Samantala, nakipag-ugnayan ang transport group na LABAN TNVS para magkaroon ng mass submission ng TNVS application.
Ayon sa grupo, pakay nito na tulungan ang mga TNVS operator na makapag-sumite ng kanilang mga dokumento at matiyak na kumpleto ang mga ito.
“Mga nakaraang taon, nasa 10,000 slots. Unang araw pa lang ubos na agad ang slots pero ngayon binago nila ang sistema,” sabi ni Jun de Leon, Presidente ng LABAN TNVS.
“Gusto natin makita ng ating mga kababayan na ito walang bentahan ng slots dito. Pumunta kayo dito sa Quezon City Circle, ang LABAN TNVS po i-assist ang mga kasamahan namin sa TNVS,” dagdag pa niya.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News