Hinirang ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr., bilang bagong kalihim ng Department of National Defense (DND).
Ayon sa Presidential Communications Office on Monday, tinanggap na ni Galvez ang bago niyang tungkulin.
Pinalitan ni Galvez sa puwesto si DND officer-in-charge Jose Faustino Jr., na ayon sa Malacañang ay nauna nang nagbitiw.
Hindi naman tinukoy ng Palasyo ang dahilan ng pagbibitiw ni Faustino.
Bago nito, nagkaroon din ng pagbabago sa liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP), matapos palitan ni General Andres Centino si Lieutenant General Bartolome Bacarro bilang bagong pinuno ng AFP nitong Linggo.
Maliban sa pagiging peace adviser, nagsilbi rin si Galvez bilang AFP chief sa ilalim ng Duterte administration.
Naging pinuno rin siya ng Western Mindanao Command at nagkaroon ng mahalagang papel upang wakasan ang five-month Marawi City siege noong 2017.
Sa kasagsagan naman ng COVID-19 pandemic, nagsilbi si Galvez bilang vaccine czar at “chief implementer” ng mga patakaran ng pamahalaan upang labanan ang pagkalat ng virus . —FRJ, GMA Integrated News