Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad nitong Sabado ang isang batang lalaki na pinaniniwalaang nalunod habang naliligo sa creek sa kasagsagan ng ulan sa Araneta Avenue, Quezon City.

Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB, kinilala ang biktima na si Abraham Reyes, na napaulat na nawawala Biyernes ng 5 p.m.

Ihininto ng mga awtoridad ang paghahanap kay Reyes Biyernes ng gabi matapos matagpuan ang kaniyang kasama na si Lemuel Evangelista.

Naubusan din ng oxygen ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard kaya pansamantalang itinigil ang paghahanap kay Reyes.

Nahirapan ang PCG sa paghahanap sa mga bata dahil sa dami ng basura sa creek, at kinailangan ng dagdag na pwersa mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City para mabawasan ang mga ito.

Binalikan ng mga kasamahan ng mga batang biktima ang creek nitong Sabado, at ikinuwento na naliligo sila sa baha sa bahagi ng N.S. Amoranto nitong Biyernes. Magtatampisaw at magbabanlaw lang sana sila umano sa creek.

Naikwento pa ng mga kasamahan ng mga biktima na sumakay pa sila sa isang styrofoam.

Pero sa kasagsagan ng malakas na agos ng creek, nabiyak ang styrofoam kaya nalunod at tinangay umano ng malakas na current ang mga biktima kaya hindi na sila natagpuan agad.

Bagama't tila nawawalan ng pag-asa ang mga magulang ni Reyes, nagbabakasakali sila na baka napadpad lang ito sa kung saan, o sa posibilidad na lumutang ang katawan nito.

Magdamag silang naghintay, naglatag ng banig at natulog sa gilid ng Araneta Avenue para maabangan ang posibilidad na makita ang katawan ng bata.

Natagpuan ang unang biktima ilang metro mula sa lugar kung saan siya napaulat na nawawala.

 

 

—LBG, GMA Integrated News